Ipinaskil ni: abetumil | Marso 24, 2010

Kulangkulang ang Dagdag

Pagkatapos kong basahin ang isang libro (nalimot ko ang pamagat) ng mga sanaysay ni Osho, nasulat ko ang isang koleksyon na binubuo ng sampung tula noong buong buwan ng Enero 2008.

Balak ko sanang buuin sa isang album ng mga kanta. Sa katunayan, siyam sa mga pyesang ito ang nalapatan namin ng tono. Kasama na ang tulang ito. Sa proseso ng paghanap ng mga makakasama sana sa banda, nawala ng nagpahiram ng libro, bagong kaibigan noon at bassist sana, ang micro tape ng mga pyesa.

Nakabuo kami ng grupo, dalawang titser ng drums at gitara sa isang distribution company ng mga instrumentong pangmusika ang nakasama namin. Naensayo namin ang isang pyesa, hindi ang tulang ito. Kaya lang, hindi kami nag-level off sa disiplina.

Hindi sila ganadong tumugtog pag walang badyet, walang toma at walang… wow repapips.

Sa anyo ng mga tula, iisa ang anyo ng mga ito. Gaya ng makikita sa baba:

Kulangkulang ang Dagdag

Hindi nabibigkas ang katotohanan,
Kahit inembentong talasalitaan
Ay hindi rin husto ang ibig sabihin,
Kulangkulang kaya’t maling akalain
Na dagdag ng tao ang ganung liwanag
Kahit operahin sa bungo ang utak.

Kelangang pangahas para ka matuto,
Kelangang danasin nang maisaulo,
Kelangang tumining para raw manuot,
Ang aral ni titser na alam pumingot.
Kung sa Bantay-Bata ay iyong isumbong,
Ikaw ang magulang at pigsa sa tumbong.

Bahagi ang loob, labas ng katawan,
Ang loob ng kwarto at labas ng daan,
Ang loob ng butó at labas ng tanim,
Ang loob ng bato at labas ng hangin,
Ang loob ng pusit at labas ng dagat,
Ang loob ng kitid at labas ng lawak.

Ang loob at labas ay lagusang pwesto
Ng mapagkumbaba at totoong tao.
Silang nasa gitna’y laging nakakunot,
Kaladkarin pa raw at “naku po, hindot!”
Ang kayang sabihin pag walang disisyon,
Kagaya ng zombie, maganit umaksyon.

Enero 4, 2008

Buhay sa Bato

Kuha ni Abet

@


Mag-iwan ng puna

Mga Kategoriya