Posted by: abetumil | January 16, 2011

Alas-kwatrong Anino Ka ng Katawang Alas-dose

Alas-kwatrong anino ka ng katawang alas-dose,
Nang mapansin ay katapat ng buhay na tinanghali,
Naglalakbay nang patimog bago lumalim ang gabi.

Ang kanlurang ginalugad ay nagpabaon ng kati,
Amorsekong sumalubsob sa binti ay nangiliti,
Alas-kwatrong anino ka ng katawang alas-dose.

Talahiba’t mga puno ay kongkretong guniguni
Sa dawag ng mga foot bridge na lansangan ng gusali,
Naglalakbay nang patimog bago lumalim ang gabi.

Ang tinawid na hilaga ay tuluyang nasantabi
Sa takipsilim ng malay na inip na sa sandali,
Alas-kwatrong anino ka ng katawang alas-dose.

Naghuhunos sa haginit ang alingawngaw ng huni,
Nagbabadya ng pag-asa’t binubuo ang bahagi,
Naglalakbay nang patimog bago lumalim ang gabi.

Binangungot sa himpilan kahit sobrang kumportable
Sa silangan ang kadantay sa idlip na bukod-tangi,
Alas-kwatrong anino ka ng katawang alas-dose,
Naglalakbay nang patimog bago lumalim ang gabi.

Posted by: abetumil | January 16, 2011

Hindi Kita Mahal

May espiritu ang tula.

Pa’no kung ang bumasbas
Sa mga tula mo ay dalawang
Kritiko, sabihin na nating

Singkalibre

Nina Virgilio S. Almario at Dr. Bienvenido Lumbera,
Sino ang mamahalin mo?

Pa’no kung ang mag-alay ng tula
Sa puso mo ay dalawang
Premyadong makata, sabihin na nating

Singkalibre

Nina Rio Alma at Tsong Mulong,
Sino ang mamahalin mo?

May espiritu ang tula.

Imbes na mga judge ng Palanca,
Pa’no kung ang mambabasa ng mga tula mo
Ay di man lang nakatungtong ng kolehiyo

Pero

Nag-aaral pa rin sa mga alon
Sa pagitan ng mahigit pitong libong pulo,
Paminsanminsan ay nag-u-OFW,

Singkalibre

Ng mga hinahataw ng yantok,
Pansamantalang nasusukol ng posas
Sa kahit saang bansa at hindi na natatagpuan,

Mahalin mo kaya ako?

Palibhasa makata,
Kung manalinghaga
E, katugma
Ng
Manlilikha…

Ikaw?

Hindi Kita Mahal
Lang

Posted by: abetumil | August 6, 2010

Lintik (Madaling Malungot Pag Umuulan, kina PM at LG)

Madaling malungkot pag umuulan.
Ang laylayan ng alaala ay natitilamsikan.
Mahirap ding maglaba at magpatuyo
Ng nilabhan, nangangamoy kulob.

Kaya kapag suot ang alaalang
Natuyo sa ulan, tapos ikaw ay pawisan,
Sa gitna ng mga tao, o sa harap ng kausap
Ay para kang inaaresto
Nang walang warrant.

Dumadagundong sa silangan ang kulog.

Pero bakit ikalulungkot ang pag-ulan
Kung ikaw ang naaalala?

Ikaw na naglalakbay paroon sa lagwerta
Ng lupang pangako ng pagsabog at masaker,
Parito sa direksyon na tinuturo
Ng maningning na Paraluman.
Ikaw na naglalakbay paroon sa lagpas
Ng mga bilding na nilulubugan ng araw,
Parito sa direksyon na tinuturo
Ng mga usbong sa lilim ng kagubatan.

Kung kailan ang mga plastik bag
At styropor ng mga fastfood
Ay bumabara sa mga imburnal,
Saka nababasa
Ang pisngi sa lungkot?
Kung kailan ang mga pananim
At mga halaman na tinuyot
Ng tagaraw ay yumayabong,
Saka natutuyo
Ang lalamunan sa lungkot?

Walang sagitsit ang klidlat sa kanluran.

Kahit bihis ay mangamoy kulob,
Humahalimuyak ang ating niloloob.

Ang tikatik ng ulan
Sa bubong ay lumalagitik.
Umaapaw ang lam-aw
sa lubak ng daan…

Ha-
Lu-
Mig-
Mig
Sa salamin
Ng bintana…
Di matinag
Sa halamanan
Ang tangkay
Na matinik.

Mahirap malungkot kapag may lintik.

@ @ @

Posted by: abetumil | August 1, 2010

Reunion sa kulimlim

Malugod na gawad ang reunion para sa magkakaklase at magkaka-eskuwela noong hayskul. May tatlumpu’t tatlong taon nang walang kumustahan ang marami sa kanila. Maaaring kapana-panabik ang proseso ng mga inunlad. O kagitlagitla ang kinahinatnan ng mga katayuan sa buhay, pangangatawan, saloobin at kaluluwa ng sinoman sa bawat isa.

Karaoke bar sa Ermita, Manila ang dinausan ng reunion na tinakda alas-5:00 n. h., Hulyo 9, 2010, panahon ng pangungulimlim. Sa usapang personal, makabuluhang dagdag na bilang sa mga daliri ng isang kamay ang pambihirang pasyal na ito sa karaoke bar.

Bumabaybay pa lamang ang sinasakyan ko sa tapat ng UST sa España galing Quezon City mga bandang alas-5:45 n.h., nagkakalantugan at kalansingan na ang mga kubyertos, bote at baso sa isang pribadong kuwarto ng bar. Saliw ang mga boses-ale-at-mamà.

Inaasahan ang paalalang tawag nang tumunog ang ring tone ng cell phone. “Andito na kaming lahat. Asan ka na?” May lambing na boses ng babaing kaklase sa Third Year-Mahinahon at coordinator ng kitakits.

Agarang sidhi ng pananabik ang sumulak na talaytay ang biglang tinibok. Naging mabagal lalo sa pakiramdam ang takbo ng sinasakyan. Lalong humigpit ang pagkakabuhol ng trapik. Walang kasing ingay ang arangkada at haginit ng mga makina. Walang kasing init ang temperatura.

Kapag nasuot sa abala ang biyahe, ang pagsipot ay siguradong atrasado. At habang binabanas sa pagkainip, banayad na pagtitimpi ang paghaya sa isip na pilit nag-a-adelantado.

Ilan na kaya sila? Sinusino kaya sa mga naging kaklase mula first hanggang fourth year ang nagsidating? Anuano na kaya ang mga trabaho at pinagkaka-abalahan nila sa buhay? Anong uri kaya ng mga karanasan ang pinagdaanan at pinagdadaanan ng mga barakada sa Batch 77 ng Pasay City West High School? Paano na kaya ang itsura’t pananamit, kilos, pananalita at saloobin ng mga batchmate?

Ilang tanong ang mga ito na napiga ng tibok at talaytay habang umuusadusad ang biyahe. Ang mga sagot ay depende sa mga kondisyong panlipunan na bumunsod mula sa panahon ng pinatalsik ng People Power 1 na diktador at dating Presidente Ferdinand Marcos, Pres. Cory Aquino, Pres. Fidel Ramos, pinatalsik ng People Power 2 na si Pres. Erap Estrada at nakalusot sa mga kasong anti-korupsyon na Pres. Gloria Arroyo.

Depende rin sa naging pagpapalaki ng kani-kanyang magulang. Sa mga naging halagahang moral, o moral values at sistema ng paniniwala, o belief system na pinapamantayan.

Kombinasyon ng panlabas at panloob na mga kondisyong humuhubog ng kabuluhan sa pagkatao ninomang nasa paga-limampung taon nang karanasan at katandaan. O anomang idad.

Isang maputing ale ang nakatayo paharap sa labas ng counter. Parang batang bersyon ni Doña Delilah na amo ni Matutina ng John & Marsha, palabas sa TV noong panahon ng martial law. Chinita. Kahit diretso, halata ang orihinal na kulot ng mga hibla ng buhok. Nakatutok sa tenga ang cell phone. Kung ipauubaya kay Belo ang bilbil, saktong siya ang isa mga kaklase noon.

Sa kaliwang tagiliran niya ang direksyon ng pintuan ng isang pribadong kuwarto.

Kung ano ang taray ni Doña Delilah sa manugang na si John ay siya ring taray ng alaalang nagpaalimbukay ng bagabag sa budhi. Pinabigat at pinabagal nito ang mga hakbang ng paa ko. Isang pakiramdam na sagabal pero di inaasahang nangyayari sa gaya nitong okasyon ng muling pagtatagputagpo.

Tiyempong iminumuwestra sa akin ang direksyon ng tipuntipon nang halos sabay na lumabas sa pintuan ang isang ale at mama. Mapagkakamalan na bata ng mahigit sampung taon ang itsura ng ale kundi dahil sa kulimlim na aura. Kahit lumawak ang hairline ng mama, tandang tanda ko pa na siya ang taga-awat at tagapagbatî kapag nagkakagalit kami ng kaklaseng karelasyon noon sa hayskul.

Halos mauntog sa hamba ng pintuan ang isang pang lumabas. Eksaherado ang shades. Naka-foundation, eksaherado rin ang beads na terno sa makulay na bestida. Ang dibdib niya ay madaling matiyak na hugis pambabae. “Akala ko principal sa school,” pansin ng kaklaseng lumawak ang hairline. “Si ‘Lyza’ pala.” Isang mabilis na batian, pose sa harap ng counter at klik ng digital camera.

Tumuloy si Lyza sa CR ng babae. Siya si Emmanuel, o Manny na kaklase namin noon sa Mahinahon. Nagpaalam ang kaeskuwelang kulimlim ang aura. May hapdi ang tingin niya. Parang katas ng kalamansing pumatak sa di pa hilom na sugat. Alimbukay sa alaalang nagpabagal sa hakbang ko kanina.

Hinatid ko siya palapit sa hagdanang pababa mula sa ikatlong palapag na inakyatan ko pa lamang. Hinahagilap ng isip ko ang motibasyon ng pag-anyong babae ni Manny at ang pambungad na sasabihin sa kaeskuwelang kulimlim ang aura.

Nilahad ko na may pinaalala sa akin ang kaklaseng ala-Doña Delilah sa di sadyang pagkikita noong kalagitnaan ng dekada 90. Isang insidente ‘yon na kinasangkutan ko at ng nabiktimang kaeskuwela. Nakatitig siya sa mata ko habang sinasalaysay ang pakay ko. Pagkatapos ay dumampi ang kaliwang palad ko sa kanang balikat niya saka humagod ng pagsusumamo.

Ngiti at pagtanggi sa hiling kong pagbalik sa kuwarto ng okasyon ang sagot niya. Saka marahang bumaba.

Kumakanta sa center stage si Lyza pagpasok ko. Isang akbay at tapik sa balikat ang papansín at muling bati ko sa kanya para sa lahat. Saglit na kumandong ako sa armchair. Nakisalamuha.

Bawat pangungumusta ay parang mabilis na bulusok pauwi sa Pilipinas galing sa kung saang galaxy sa labas ng Milky Way. Bawat lagok ng juice, softdrink at beer, subo ng pagkain at nguya ng pulutan ay parang ritwal ng pagdiriwang na pinapasinaya kapag sumasapit ang Christmas party, field trip at excursion sa pagitan ng mga klase at bakasyon.

Bawat pagbalik-tanaw sa mga partikular na pinagsamahan kaugnay ng isang partikular na (mga) kaklase-barkada ay parang takdang-aralin na kailangang iulat sa harap ng klase. Na kapag sinabi ni titser na mali ay pihadong kantyawan ang nagaganyak. Na kadalasan ay nauuwi sa malutong na hagalpak.

Ang kaibahan ng kulangkulang sampung buwan na paghahasa ng kaalaman sa loob ng apat na taon sa mataas na paaralan, kaysa ilang oras sa gabi ng pagtitipon na ito, ay walang aalalahaning pasang-awa o bagsak na grado. Hindi puwedeng magkopyahan dahil ang bawat isa ay istudyante, guro at principal basta bukas sa aral ng karanasang ibabahagi.

Ang pagiging valedictorian ay salig sa resulta ng kakayahan at kinombinasyon nitong gawi sa praktikal na buhay ng indibidwal. Hindi sa pagsanib sa moralidad ng dalawang na-People Power na mga administrasyon. Hindi sa moralidad ng dalawa pang mga kamaganak at kasabwat lamang ang mga pinaboran ng pakinabang matapos paganahin ang mga institusyon ng demokrasya sa bansa. At lalong hindi sa moralidad ng isa pang patungpatong na impeachment case ang nilusutan dahil sa pagkabihasa sa korupsyon.

Hindi sumalalay sa mga napaglipasan na payo ng mga magulang bagamat may pag mano pò sa nakatatanda. Hindi rin sumalalay sa mga nakapusod at nakasalamin na protocol ni Miss Tapia bagamat may pagtalima sa kabuluhan ng araling tinakda. Hindi pa sumalalay sa decorum ng okasyon na dinaluhan ni Cinderella bagamat may uri ng pagkadisente. Hindi man nagsisimba tuwing Martes, Linggo at di nakapagdarasal tuwing tanghali at Angelus, ay mayroon ding sampalataya sa espiritwalidad.

Bago sumapit ang maximum na oras ng reservation, isang programa ang pinasimunuan ng coordinator at pinadaloy ng isa sa mga HS bestfriend na seaman-OFW na ngayon. Sa presentasyon ng sarili ng bawat isa, mula sa mata ay parang limang porsyento (5%) lamang sa mga nagsidalo, ang regular na umiinom ng gamot para sa high blood, umaangal sa pananakit ng mga kasukasuan, natutulala sa pagkaulyanin.

Isa pang limang porsyento ang nakapaggiit ng sekswalidad at bumaling sa retoke ng katawan. Samakatwid, siyamnapung porsyento (90%) ay mala-rosas ang kulay ng mga kuko. At beinte-beinte (20-20) ang bisyon sa kinagisnang pananaw sa kasarian at buhay.

Parang ganap ang mga natupad na estado sa buhay: administrative officer sa isang parokya ng kilalang technical school ng Katoliko; operations manager ng construction company; mga negosyante; junior executive ng malaking imprenta; early-retired manager ng isang multinational company; accountant sa treasurer’s office ng pinakamatandang lungsod; konektado sa LRT Project; directress ng sariling eskuwelahan; kawani ng pribadong ahensiya ng tubig; homemakers. At siyempre, mga OFW.

Manakanakang may pabibong mga kantyaw ang sumapaw sa bawat patotoo. Isang gawi at katangian na kadalasang problema ng mga guidance counselor at adviser ng mga tunay na hayskul. Pero sa partikular na gabing ito, ng partikular na barkada sa Batch 77 ng PCWHS, ospital ang lugar ng mga seryoso.

Pasawayest

Ganumpaman, bahagi ng programa ang tanong na, “sino’ng crush mo nu’n?” Isang uri ng usyoso na depende kung kinakunot-noo, tinaas ng kilay ay nangantiyaw at nangiliti ng kilig.

Habang nagpapaalaman, hindi ko na naimungkahi ang ganitong pagsasara: “Panginoon, kami pong mga girl at boy scout pa lang noong ipataw ang martial law ay hindi nabugnot nang mawala ang paborito naming cartoons sa TV. Salamat na pinagtagpo Ninyo kami noong hayskul. Pinabangis kami ng paligsahang Crispa-Toyota. Tiniis naming hindi nagkitakita noong People Power 1, 2, etc… Pero basta interes ng sariling pamilya, kami po ay laging handa. Halata pong sinlawak ng sansinukob ang Inyong unawa at ang aming tuwa. Siya nawa.”

Hindi ko na rin binahagi sa kanila, na bago ako pumasok sa kuwarto ay sinabi ko sa kaeskuwelang kulimlim ang aura, na anomang pagkabalisa ang naidulot ng kapilyuhan ko noon ay ihinihingi ko ng paumanhin. Nang yayain ko siyang bumalik para ipahayag ang public apology ko sana sa harap ng mga ka-reuinion sa gitna ng okasyon, noon siya tumanggi.

Lumagutok sa baitang ang kanyang mga yabag. At sa kulimlim ng aura ay sumilay ang sinag.

@     @ @

Posted by: abetumil | July 12, 2010

Rakenrol sa Paghihintay ng Resulta ng Eleksyon 2010

Palingalingang desk fan at paikutikot na ceiling fan. Binubuga ng mga ito ay hangin na nagpapaginhawa sa nanlalagkit na mga singit at kilikili. Para ampatin ang tagaktak na pawis. Dahil sa kalumaan, sabay na pinasasagap ang ugong sa lalim ng gabi. Sa pagkakataon na walang pamaypay, imbes na banas, tuwa ang bumukad sa mukha ko.

Bago namulaklak ang tuwa, komposisyon ni Eric Sister ang inilapat namin sa isang dalawang taon kong tula:

Lakbay

Dahil yumayakap ang sinag ng araw,
Tinutuyo nito ang hamog sa bubong.
At humihilamos ang tubig sa mukha,
Saka pinapatay ang mga switch ng ilaw,
Ang bibig at panga ay subo ang aksyon,
Pati dila’t ngipin na may nginunguya.

Paa’y humahakbang papuntang terminal
Ng tricycle at dyip na andar-maugong,
Lilingon sa kalyeng “Bawal Kumaliwa,”
Lumiliko muna papunta sa kanan.
Sa gitna ng island ang ikot ng gulóng,
“Abante, abante!” ang sigaw ng mama.

Kelan susubukin na muling magbalik
Sa iyong sariling masyadong lumayo,
Ang lakbay sa buhay na maraming bangin.
Kelan susubukin na di na magalit
Sa iyong sariling dapat nang lumago,
Ang lakbay sa buhay kahit di narating.

Dahil tumatalsik ang bahid ng putik
Sa bawat daanang may lubak ang hinto,
Ang ulap sa byahe’y may latag ng dilim.
At pinahahapdi ang kurap ng pilik,
Saka naghahanap ng bukás na pinto
Na pwedeng hiraman ng matang maningning.

Dalawampu’t dalawang taon na acoustic guitar ang pinang-ensayo. Ukauka na ang fret board. Maluwag na ang mga pihitan nito kaya madaling mawala sa tono. Ito ang materyales na isa sa mga ginawa naming kanta ni Eric.

Dalawang taon na rin ang nakalilipas, hinapag namin ang pyesang ito sa titser ng gitara sa isang distributor ng musical instruments. Inimbita ang isa pang drummer na kaguro niya. Ensayo tuwing Linggo mula Oktubre hanggang Disyembre. Nakaabot sa isang pagtatanghal sa Writers’ Night na tauntaon ginaganap sa University of the Philippines, Diliman.

Natigil noong Enero 2009 ang ensayo. Patuloy sa trabaho si Eric bilang video editor sa isang photography studio. Palitratuhan ito ng mga artistang gaya ni Gloria Romero. Nang hindi na sumapat ang sahod para makasalba sa mabilis tumaas na gastusin, umuwi siya sa Baguio.

At habang hinihintay ng milyunmilyong hintuturo na may tubog ng indelible ink ang resulta ng  Eleksyon 2010, bumaba si Eric galing sa lungga niya para magtulong kami sa editing ng Ipuipo, Kokak at Isang Mahabahabang Usapan, isang video documentary.

Tungkol sa kalagayan ng mga manunulat, malikhaing pag-akda, panitikan at kultura ang dokyu. At bahagi sa menu ng DVD output nito ang pagbasa ng mga tula at music video.

Hindi nakalugar sa isip ang kunsuming umaatake kapag aalugalog ang isked sa panahon ng tag-araw. Bukod kasi sa eleksyon at malikhaing pinagkaabalahan, nitong Mayo ay okasyon din ng college graduation ng bunsong anak namin.

Magandang pagdiriwang ang rakenrol sa pagkakataon na nakapagpa-graduate kami ni misis ng tatlong anak sa kolehiyo. Na gaya ng karaniwang pamilya, ay iginapang din.

At dahil nahilig si bunso sa gitara at musika, hinilingan namin ni Eric ng isang tipa na pang-audition. Pwede! Pero hindi ganap ang tunog. At isang labingtatlong taon na pamangkin na clarinet player ng city band ang niyaya ko pa.

Gaya ng karaniwang nagsisimulang tinedyer, wala pang tiyak na hilig ng uri ng musika si pamangkin kundi kung ano lang ang uso. Alam niyang pang-city band ang marching tunes, gaya ng version ng Nobody ng Wonder Girls, na tinutugtog nila sa mga okasyon ng lungsod.

Pero naniniwala ako na ang hilig ni bunso sa musika at ang pag myembro ng pinsan niya sa city band ay may kinalaman sa sumakabilang-buhay nang lolo nila sa tuhod. Ang lolo sa tuhod ay kaisaisang biyolinista noong panahon niya sa Bangued, Abra.

Isa pa, sa larangan ng syensya ng sikolohiya, ang musika ay tinuturing na rin na isa sa mga kategorya ng dunong o intelligence. Bahagi ito ng teorya ng multiple intelligence. Pinayabong ni Dr. Howard Gardner, propesor ng edukasyon sa Harvard University, noong 1983.

Isang gabi sa kasagsagan ng paghihintay kung sino na nga ba ang mailuluklok sa hindi nirarakenrol na trono, kung programa ng katuparan na ang mga pinangako sa kampanya, kung iwas-aksidente na nga ba ang lakbay ng bansa, at sa pahinga namin sa editing, kinaskas ni Eric ang acoustic, ni bunso ang electric guitar, hinipan ni pamangkin ang clarinet habang kinakanta ko ang Lakbay.

Dynamic ang proseso. Mula sa unang tono, nagmungkahi si bunso ng dagdag na tono sa bandang adlib. Si pamangkin ay nagdagdag din sa koro. Walang dahilan para daigin namin ni Eric ang mga mungkahi nila.

Inabot kami ng unang tilaok ng manok. Wala sanang pagkakanulo sa mga pangako. Wala sanang pagkakanulo ng mga talento. Wala sanang sayang na hikab…

Isang text message galing kay Blue ang laman ng inbox ng cell phone ko kinabukasan. Nakilala ko si Blue noong 2009 habang pareho kaming tumitingin ng concert dvd sa isang bangketa. “May jamming ba’ng banda mo?” Parang ganun ang tanda kong mensahe niya.

Sinagot ko na, “sa darating na Linggo ay iensayuhin sa studio ang dalawang kanta,” kung pwede siya. Mula sa dalawang oras na biyahe ay nagkita kami. Naensayo ang mga kanta. Pero hindi na siya umubra sa iskedyul ng recording. Kaya sa ikalawang salang sa studio at rekording ng mga kanta, si Jhake Nebreja ng Nuklus Band na ang pumalo sa drums.

Salitan kami ni Eric sa video cam para kuhaan ang nangyayari sa studio. Sa ikalawang beses na ensayo, sugod sa Noiseworks Music & Recording Studio. Ang kinalabasan ay mapanonood sa link na:

http://www.youtube.com/watch?v=NNwJj8fLueI

Istrikto ang mga magulang ng baby boomers na mga magulang natin. Kahit pang-demonyo ang tingin ng mga lola’t lolo sa old school rakenrol, nahilig pa rin sa Hound Dog at Love Me Tender ni Elvis Presley ang mga nanay at tatay natin.

Ang henerasyon ng mga young parent ngayon ay pwede na sigurong maglakbay nang hindi pagapang? Samantala, ang mga rakenroler na kasabayan ng Beatles at Rolling Stones ay nasa mga unang taon na ng second adulthood. Isang yugto ng buhay sa Pilipinas na pwede nang magkaroon ng ikalawang ID na pang-discount sa mga botika, sinehan, MRT, fastfood…

Isang yugto ng buhay at pribilehiyo na ligawin ng mga propaganda ng mga trapo, o tradisyonal na politko. Isang yugto ng buhay na nagsasabing hindi na pambata lang ang rakenrol. Ang rakenrol ay magandang soundtrack sa mga pang-adolescents at pang-middlescents na pagdirawang at bunga ng dunong.

Maaaring ang milyunmilyon na hintuturong may tubog ng indelible ink ay naipangulangot na bago nahayag ang resulta ng eleksyon. Pero ang inip at buryong ng tag-araw ay parang mga pusang itim na patawid sa daan, tinaboy ng rakenrol.

@

Posted by: abetumil | July 8, 2010

Pagpapakamatay-oras

Mintis ang putok
Ng asintang itinutok,
Ganundin ang saksak
Ng patalim na iniunday,
Saka ang lubid
Ng silò na iniumang
Sa mga ulo ng mga alaalang
Naglalakad sa kalye.

Mga mukha ng mga kaklase
Noong elementari, hayskul,
Kolehiyo, maging ng mga una
At pinakahuling nakatrabaho.

Pula, berde, asul at dilaw
Ang mga hagod ng tiyak
Na mga hugis mula labas

Ng bintana.

Walang abo sa komposisyon
Ng mga pinagsamahang iginuhit.
Pero nasa likod ng isip
Na para bang tipon ng mga tansan
Na walang tapón at nakatatak
Ang mga libreng kasangkapan
Ng patalastas ng mga pinagdaanan:

Himutok at pagsuyo;

Sa inunan na ginupitan ng pusod,
Sa bilbil na kinalasan ng sinturon,
Sa mga nakalarong titsertitseran,
Sa mga niligawan na hindi naligaw,
Sa mga nakatrabahong puro diploma.

Hindi na maipagpapalit ang mga ito
Dahil bukod sa laos na ang mga produktong
Pinopromo, nagsara pa ang mga kompanya
Ng mga pinagsamahang nagpatatag
Sa kanyakanyang pinagmulan saka tinupad
Na mga tahanan at pakikipag-kaibigan.

Nilagok na asido ng kabataan na lamang
Ang nagpapasigla sa katandaan…

Pagsuyo at himutok;

Sa mga paang pahiran at hindi ng gamot ang eksema,
Sa mga tuhod na nanghihiram ng tigas sa tungkod,
Sa puson na naglalambing sa pasò ng puso,
Sa puso na umiirap sa kalabit ng puson,
Sa alaala na humahalik sa noo ng kaluluwa

Habang minamasdan ang komposisyon
Mula sa bintanang binuksan para gawing

Paliparan

Asido ng Kabataan

Himutok at Pagsuyo at Pagsuyo at Himutok

@

Posted by: abetumil | May 12, 2010

Sikat ng Sicat

Ang mga kalahok ng Ikatlong Palihang Rogelio Sicat sa Baler. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)

Isaisang tinutukoy ng mga kalahok, kagurauan at direktor na nagkukomentaryo ang mga detalye ng mga elementong pormal at perspektiba ng akdang nakasalang. Binubusisi.

Nakapagpapalakas, halimbawa, sa isang tula habang sinasalarawan ng mga saktong salita ang atmospera, paligid, itsura ng persona kung naglilimi ang tono. Malalantad: ang pananaw – kung tanggap, nagpapatiayon, nagma-maangmaangan o nagkakaila ang persona sa mga puntong pinaglilimian.

Kung ang itsura at bihis, pagsasalita at kilos, pakiramdam at kaisipan, datíng ng isang tauhan sa iba pang kaeksena sa kwento ay hindi swak sa motibasyon na nagpasambulat sa hidwaan, asahan na maririnig ang komentaryong, “pangit.” Tiyak ang paliwanag kung bakit.

Pero pagdating pa lang noong bandang alas-kwatro n. h., Abril 28 ay nakapagpakalma ang ambon at ulan na kasabay ng hapunan, almusal at tanghalian… Kasaliw ang lagaslas ng tigsi-siyam na talampakang alon na umaampiyas sa dalampasigan. Hupa ang alinsangan na pabaon ng Maynila.

Sagap ng sariwang hangin ng makatang si Eric Dasig Aguilar. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)

Ibang iba ang klima sa Baler, Aurora. Luntian ang paahan ng Sierra Madre habang nag-iinat ang araw sa pasipiko.

Mula Abril 29 hanggang Mayo 2, mahigit isang linggo bago ang Eleksyon 2010, ganyan ang naranasan nila: Louise Vincent B. Amante, Ma. Monica Antonio, Aidel Paul Belamide, Jennette Torralba Bongo, Christopher Nuyles, Rafael Carpio Cañete, Johannes L. Chua, Camille Josephine C. Cruz, Christa I. De La Cruz, China Pearl Patria M. De Vera, Cristine Giselle Espino, Alvin Ringgo C. Reyes, Alvin C. Ursua at Om Narayan A. Velasco.

Salitan na sinalang para pangatwiranan ang sariling akda at komentaryohan ang sa kapalihan o co-workshopper. Halata sa hilatsa ng bawat isa kung komprtable o hindi sila sa parehong puna at puri. Bagamat hindi magkakakilala ang karamihan galing sa ibabang lugar ng bansa.

Magkakahalong mga propesyonal at estudyante ang mga kalahok. May mga titser, nag-aral ng lenggwaheng Aleman, isa sa Ten Outstanding Young Students, dating kumukuha ng Chemical Engineering sa ibang pamantasan na nag-shift sa Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines, Diliman, mga bagong gradweyt at nag-aaral pa.

Umabot yata sa limang gurong kinatawan ng mga taga-Baler ang mga observer?

Panauhing guro si Edgardo M. Reyes, ang awtor ng tanyag na mga nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag, Laro sa Baga, Sa Kagubatan ng Lungsod, Bangkang Papel sa Dagat ng Apoy. Habang ang kaguruan ay binubuo nila Romulo P. Baquiran, Luna Sicat-Cleto, Eugene Y. Evasco at Vladimeir B. Gonzales, pare-parehong mga professor at premyadong manunulat.

Ang mga Professor Jimmuel Naval, Vlad Gonzales, Edgardo M. Reyes - panauhing guro, Reuel M. Aguila, Luna Sicat-Cleto, Eugene Y. Evasco at Romulo P. Baquiran Jr.(Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)

Ang okasyon na ito ay pinamumunuan nina Prof. Jimmuel Naval at Reuel M. Aguila, mga direktor ng Ikatlong Palihang Rogelio Sicat, Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat, tinataguyod ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Nasa ikalawang araw ang palihan nang mabalita sa TV ang kasagsagan ng kampanyahan sa eleksyon. Senyales nito na pumangalawa na si Erap sa sarbey ng mga presidentiable. Di maihahambing ang gawain ng mga tradisyonal na politiko sa mga manunulat at alagad ng sining.

Pero may pagkakahawig at pagkakaugnay ang mga pinagkaka-abalahan nila.

Ipinangalan kay Prof. Rogelio Sicat ang palihan bilang pagpupugay sa gunita ng pamumuno niya sa kaunaunahang palihan ng pagsulat ng tula at kwento noong 1984. Inilunsad ng DFPP sa ilalim ng panunungkulan ni Dr. Nicanor G. Tiongson.

Ayon sa Dalumat at Layunin ng palihan, “isa sa mga mandato ng departamento ang pagpapahusay ng pagtuturo ng panitikan kabilang ang pagsasanay ng paglikha ng mga malikhaing akda sa Filipino.

“Behikulo at instrumento ang departamento upang lubusang makilala ng mga estudyante ang kanilang sariling wika at ang pambansang panitikan.

“Naiinggit ako sa kanila.”

Tipong courier ang tagline na itong nakaprint sa harap na pabalat ng handout ng mga akda ng mga kalahok. Nakatatak din sa harap ng pamigay na tisyert.

“Galing kay Prof. Sicat ito.” Paliwanag ni Prof. Aguila sa oryentasyon noong unang gabi. Ikinuwento pa niya na ang tagline ay binigkas ni Prof Sicat sa isang okasyon. At ito ay pumapatungkol sa mga kapanahong manunulat na higit ang pagpapahalaga sa garbo ng pagiging manunulat.

Ganumpaman, ang karugtong nito ay nakaprint din sa likod ng handout at tisyert.

“Ngunit ano ang silbi nila sa masa?”

At parang lagda ng pahayag ang ini-logo na mukha ng dakilang manunulat sa gitna ng point ng fountain pen.

Arawaraw, ang bawat isa sa kaguruan ay nagtalumpati ng kani-kanilang panayam hinggil sa kung paano mapahuhusay pa ang teknik ng pagsulat at pagiging manunulat.

“Wala kayong karapatang dumaing. Lahat ng hirap, sugat, peklat sa buhay,” ay parang isang aspeto sa motibasyon ng manunulat para namnamin ang mga pinagdadaanan ng mga persona at tauhang binubuhay sa bawat akda.

Iyon ang natatandaan kong mga salita galing kay G. Reyes, kagrupo ni Prof. Sicat sa Mga Agos sa Disyerto, 1964, isang kalipunan ng maiikling kwento kasama sina Dominador Mirasol, Efren Abueg at Rogelio Ordoñez.

Bawat pagbabahagi ng mga kwento kung paano siya nagsimulang magsulat, kung paano napanatili ang karga ng baterya sa pagsusulat, kung pa’no nabuyo ang hindi pag-uusap at muling natulayan ang pagbati nila ni Erap ay binabantasan ng, “beybeh!” Lumang bersyon ng dude ngayon.

Pagtatanghal ng mga tula ng mga kalahok noong huling gabi ang naging pagdiriwang.

Nakapagpagaan sa daloy ng buong palihan ang serbisyong alalay ng mga alumni na sina Erick Dasig Aguilar, Mixkaela Villalon, Patrick Alzona at Patrick Bautista.

Gaya ng ambon at ulan, ang beer sa tuwing magtatapos ang maghapon hanggang gabing talakayan, ay nagsisilbing panghingalay sa pursigidong pagpalawig ng mga punto. Para sa mga umiinom. Ang pag-inom ng beer ay bakuna sa pagkalasing sa kapangyarihan?

Kung oo ay walang epekto. Marami kasing politiko ang nalalasing habang nasa kapangyarihan. At kahit tapos na ang termino ay malalakas pa rin ang hangover. ‘Yan ang pinakamasamang nangyari sa isang manunulat… isang grupo ng mga manunulat.

Maiinggit ka ba sa kanila?

Propesyonal o estudyante ka man, gaya ng mga kalahok nitong ikatlong daos, kung may hilig ka lang din naman sa pagsusulat sa wikang Filipino, sa mga darating na tag-araw, ang pagsali sa Palihang Rogelio Sikat ay salungat sa pagsasayang ng panahon.

Kung patuloy ang paglikha ng mga tula, kwento, iba pang anyo ng panitikan, at ang tangkilik ninyong mga mambabasa, pasasaan ba’t masasapol din ninyo at ng malikhaing manunulat ang sariling wika. Pag-uugnay ito sa inyo ng panitikan habang hinuhubog ang pambansang kultura.

Ito ang kaibahan ng mga (tunay na) manunulat kaysa sa maipruproklama na isang mabangong tradisyonal at maliit ang sungay na politiko.

May dulot na mabuting pakiramdam ang kalikasan na pinagdausan ngayong taon ng pinakabatang palihan ng mga nagsisimulang manunulat.

Pagkat nasuhayan ang mga kalahok na karamihan ay galing sentrong bayan at lungsod, darating ang araw, kahit sa pilapil ay makasasapat ang sikat ng Sicat.

May sigla ang ahon sa bula ng siyam na talampakang along humupa. (Ang litrato ay sa kagandahang loob ng Palihang Rogelio Sicat.)

@

Posted by: abetumil | May 3, 2010

Mag-asawang Botante: active at deactivated

Binuksan niya ang kompyuter noong Abril 20, 2010. Nag-on line siya at pinuntahan ang PAGASA (Philippine Agenda for Genuine Alternative to Social Apathy), e-group ng samahan ng mga indibidwal na galing sa ibaibang pagpupursige sa buhay. May tatlong taon na ring myembro nito si Dom-an.

Klinik niya ang forwarded na mensaheng Election Precinct Finder, may petsang Abril 14, 2010. Galing kay Pam Fernandez, isang propesor sa University of the Philippines–Los Baños. Pag bukas, tumambad sa monitor ang laman:

“Pls check this out …

Dear All,
Want to know about your precinct come May 10, 2010? Just click on the link below..

You can share this to your friends & relatives…
http://www.comelec.gov.ph/precinctfinder/precinctfinder.aspx

Have a copy printed and bring it to your voting places.. . .
GOD Bless Us All….

VOTE WISELY,”

Syempre, ang orihinal na pinanggalingan ng email ang nakapirma sa baba ng complimentary close.

Ginawa ni Dom-an ang pagsisikap ni Pam na makapagbahagi ng edukasyon sa mga botante ngayong Eleksyon 2010. Klinik ulit niya ang nakalagay na adres ng website. Lumabas ang header ng COMELEC at iba pang detalyeng mayroon ang isang lugarsapot. Pati ang kahon na ito:

Dinakma ang mouse at gumalaw ang malakamaong kamay niya para ilugar ang kursor sa mga espasyo ng pangalan, apelyido at mga detalye ng birtdey. Salitan ang sariling pangalan, birtdey at ng asawa niya, ang itinipa ng mga daliri sa keyboard hanggang mabuo lahat ng kailangan.

Sabay klik sa maliit na buton ng Find Now. Parehong binasa niya ang mga resultang lumabas. Kumurapkurap ang mga mata at untiunting nagsalubong ang pagitan ng mga kilay niya. May ilang pileges ding lumitaw sa noo.

Dinakma ulit ang mouse, kinomand ang kursor at klinik ang New ng compose a new message.

Lumagitik ulit nang sunudsunod ang tiklado ng kompyuter. Kinomand ang kursor saka klinik ang buton ng send.

Binuksan ni Pam ang sagot sa chain ng forwarded na mensahe niya. Pagpapasalamat sa kanya ang bungad ni Dom-an. Pagkatapos ay ganito raw ang kinalabasan,

“here  is  what  i  got…  my  name  exists  in  precinct  0413A where  i  registered.  and registration  date says  june  22, 1997.  but status  says  DEACTIVATED.

“ i  also  checked  out  my  DEAD   husband’s  name  and  status.  it  says  ACTIVE  and  registration  date September 2,  2003  in  precinct  number  0056A.”

Ikinwento pa ni Dom-an kay Pam sa email, na minsan isang eleksyon, noong nabubuhay pa ang asawa, ay pareho silang bumoto. Pero hindi nakita ng asawa niya ang pangalan sa presintong dapat na kinaroroonan ng listahan.

Paglipas ng eleksyon ay saka raw nakita ni mister ang pangalan sa ibang presinto. Bumagsak daw balikat mister e. Parang galing sa isang dimensyon na katamtaman, pero biglang lumakas ang grabidad na humigop sa balikat ng dignidad.

Sa patuloy na pagbabasa ni Pam, ganito pa ang sabi ng ka-email,

“What  baffles  me  is  this…  how  come the name  of  my  husband  was  registered  in  another  precinct  when  we  registered  in  same  precinct,  same  date?…

“What  could  have  deactivated  my  status…  i  even  got  a  voter’s  certification  sometime in  2005.  and  what  keeps  my  husband’s  name  active  when  he  actually  has  not  voted  since  the  1997  registration  in  protest…  it  would  be  interesting  to  find out  who  turns  up  to  sign  for  the  guy  in  human  form  when  he  was  burried  december  7,  2005!”

“Mahiwagang kristal na bilog, h’wag tutulugtulog…” Sabi nga ni Mang Bola, isa sa mga paboritong karakter sa Batibot, Filipino na pambatang palabas sa TV noong dekada 80-90.

Sinubukan ko ring itipa ang pangalan ko sa mga espasyo ng kahon. Tama naman ang mga ipormasyon na lumabas tungkol sa akin.

Ano ang ibig sabihin?

Sinasabi kaya ni Dom-an na nagsasayang lang ng oras si Pam? Na lumulutanglutang na sa poso-negro ang kredibilidad ng COMELEC?

Pero hindi kagagawan ni Dom-an ang kinalabasan ng mga impormasyon tungkol sa kanya at sa mister niyang mahigit dalawang taon nang kinuha ni Lord.

Kung susundan natin ang sinasabi ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, ang pagkakaroon ng automated na bilangan ng eleksyon ay bahagi ng modernization ng COMELEC. At bahagi ng pag-unlad ng bansa.

Dalawang salinlahi, o limampung (50) taon na ang nakalilipas ay number 2, sunod sa Japan, ang Pilipinas sa Asya tungkol sa lahat ng aspeto ng buhay ng isang lipunan. Ngayon ay numero uno na ang bansa sa foreign investments at importasyon ng mga produkto, korupsyon na nagresulta sa malalang kahirapan, laylay at may sayad nang tradisyonal na politika, at kulturang “bahala kayo sa buhay n’yo. Basta okey ang t’yan ng pamilya ko.”

Bulsa lamang ng mga nagpakana ng automation ang smart sa Eleksyon 2010. Hindi ang mga botante at mga upisyal ng gobyerno. Pa’no ngayon maipru-proseso ng demokratikong karapatan ng mamamayan ang bansa tungo sa pagbabago at pag-unlad?

Kapos ang impormasyon, na bilangan lang ang automated sa Eleksyon 2010. Pati kasi ang data base ng mga botante, presinto ay automated na rin bago pa mag-eleksyon.

At sa email na sagot ni Pam sa akin ay ganito pa ang sabi niya,

“Hello Abet, surely maraming cases na ganito… I received similar email from 2 different sources.”

Naku po. Kung imu-multiply pa sa maraming kaso ang ganito, ayus. Maaresto kaya ang kapalpakan ng automation gaya ng karanasan ni Dom-an at ng dalawa pa?

Sino man ang manalo nitong Mayo 10, 2010, sambayanang Filipino na ang tuluyan na lulutang? Mahigit pa sa dalawang salinlahi, kasama ng mga bagay na inuuod sa ibabaw ng pusali.

@     @     @

Posted by: abetumil | April 20, 2010

Capitalism: A love story

Yumayaman lalo ang hindi naghihirap. At nagiging salat na salat lalo ang hindi mayaman.

Maraming nag-aakalang sa Pilipinas lang nangyayari ito.

Pero ganundin sa US, ang sentro ng kapitalismo.

At kung paano humantong sa ganung sitwasyon ang lipunang Amerikano ay iyon nga ang tinalakay sa full length documentary na Capitalism: A Love Story.

Sinulat, prinodyus at dinirek ni Michael Moore nitong 2009.

Nagsimula ang Capitalism sa palagay na ang US ngayon ay kapareho ng Roma noong papalubog na ang paghahari nito sa pamumuno ng kahulihulihang (mga) Caesar.

Naipakita ito sa pamamagitan ng paggamit ng footage o clips na galing sa mga lumang pelikula tungkol sa Roma, cut to cut sa Washington.

Umusad ang istorya sa pamamagitan ng tagasalaysay at imbestigador na si Moore na rin mismo.

Kapanayam niya ang karaniwang mamamayang Amerikano: mag-asawang iniilit ng sheriff ang bahay na tinirahan nila ng apatnapung taon, pamilyang namatayan ng ama at nakatuklas na kompanya pa ang kumita ng limang ($5) milyong dolyares sa insurance, mga manggagawa (sa Chicago) na isasara ang pinagtra-trabahohang pagawaan, mga commercial pilot na mababa ang sahod at pinakakain sa pamamagitan ng food stamps.

Pati ang ama ni Moore na dating manggagawa sa nagsarang General Motors.

Sino ba namang mawawalan ng tahanan na deka-dekada nang kinanlungan, mawawalan ng hanapbuhay dahil isasara ang pagawaang pinapasukan, mga naulilang imbes na makinabang sa insurance ng breadwinner ng pamilya ay naisahan pa ng kompanya, ang may-mataas na uri ng hanapbuhay na nirarasyunan lamang para makatawid-gutom, ang makangingiti nang abot-tenga sa mga karanasang ito?

Mahusay na napiga ni Moore ang bagbag ng kanilang mga damdamin sa mga interbyu.

Para maipakita na ang mga dinaranas ng mga karaniwang mamamayang Amerikano ay may mga pwersang nagpapatupad, na mistulang nakahawak sa mga ilong nila habang hinihila saka itinulak sila sa kumunoy, ininterbyu rin ni Moore ang mga CEO ng mga kompanya ng housing at real estate, pagawaan, insurance, commercial flights.

Ipinakita pa ni Moore na ang magkahidwang interes ng magkabilang panig ng karaniwang mamamayang Amerikano at mga amo nilang negosyante ay pinagagalaw ng isang sistema.

Habang nailahad din na ang sistemang ito ng kapitalismo, istilong US, ay masaklaw na kutsabahan ng mga oligarkiya-monopolista at mga politiko.

Sa unang upuan ng panonood, aakalain na ang mga oligarkiya-monopolistang ito ay hindi mga ventriloquist na nagpapagalaw at nagpapasalita sa Presidente George W. Bush nila bago nailuklok sa Whitehouse si Barrack Obama.

Nailabas din, na ang kapitalismo at demokrasya ay dalawang magkaibang bagay at hindi magkatugma.

Sa pamamagitan ng isang pribadong kulungan ng mga tinedyer.

Nalantad ang kutsabahan ng may-ari nito at judge na tumatanggap ng suhol para magpakulong lamang ng mga tinedyer na ginagamit sa pagpapalaki ng tubo.

Lumadlad pa, na ang gumuguhong kapitalismo ng US, ay sinusuka na ng ilan na kongresistang nainterbyu ni Moore.

Dahil pabagsak na ang sistema nilang bumukbok sa mga larangan ng ekonomya, politika at kultura ng lipunang Amerikano, may case study sa mga larangang ito ng buhay panlipunan na ipinakita Moore. Isang alternatibong di na kailangan ng mga CEO.

Device din sa umpisa si Jesukristo na nagpahayag tungkol sa pananaw niya sa kapitalismo at mga nabiktima nitong karaniwang mamamayang Amerikano.

Galing din sa clips ng mga lumang pelikula tungkol kay Jesus.

Ayos ang editing nitong sabay na sabay sa galaw ng bibig ang dubbed na diyalogo. Pati ang ibang eksena na ginamitan ng visual effects.

Sa bandang denouement, kakatawanin si Jesukristo ng mga pari na nakiisa sa karaniwang mamamayan.

Pahiwatig ito na mahal ng Diyos ang hindi mayayaman at mga pinagsa-samantalahan.

Maging si Pres. Obama ay ipinakitang nakikiisa sa laban ng karaniwang Amerikano.

Gagamit pa ng lumang clips ni Pres. Roosevelt si Moore.

Para ipakita na ang kagalingang ng mamamayan ay noon pa hangad ng White House.

Pero inabandona na ito ngayon ng sumunod na mga presidente.

Mga sarili at kauri na lang ng mga oligarkiya-monopolista ang nakikinabang.

Magtatapos ang pelikula sa eksenang naglalagay si Moore ng dilaw ng crime scene tape sa façade ng treasury bilding para isagawa ang citizen arrest sa mga taong gobyerno na nagpabaya sa kapakanan ng karaniwang mamamayan at sarili interes lang ang inaatupag.

Galing Google

May isang daan at dalawampu’t pitong minuto ang haba ng Capitalism.

Nanalo ng Oscar, o Academy Award, noong 2002 si Moore para sa Bowling for Columbine.

Pero inabot ito ng kontrobersya sa rekisitos ng Oscar.

Ang isa pa niyang pelikula na pinag-usapan sa Pilipinas ay ang Fahrenheit 9/11.

Mayroong mga pahiwatig na ginamit si Moore sa Capitalism, na ang uri ng lipunan noong panahon ng Roma ay pang-aalipin.

At nagtransporma ito sa pyudalismo na naglunsad sa sistemang kapitalismo.

Habang lumilitaw ang mga kredito ng pelikula, tumutugtog ang soundtrack nitong jazz ala-Frank Sinatra.

At ang kanta ay Internationale, ang pandaigdigang awit ng sosyalismo.

Hindi mahirap unawain sa Capitalism: A Love Story, kung bakit ang bansang Pilipinas natin ay nagkaroon ng mga militante, na kumakandidato ngayon sa pagka-senador: sina Liza Maza at Satur Ocampo.

Posted by: abetumil | April 20, 2010

Vote Noynoy!!!

Older Posts »

Categories

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.